Tagapagkasundo
Bagama’t maaaring mukha silang tahimik o mapagpakumbaba, ang mga taong may INFP na uri ng personalidad (Mga Tagapagkasundo) ay may masigla at masidhing kalooban. Malikhain at may imahinasyon, masaya silang nangangarap, nag-iimbento ng iba’t ibang kuwento at pag-uusap sa kanilang isipan. Kilala ang mga INFP sa pagiging sensitibo nila – ang mga personalidad na ito ay maaaring magkaroon ng malalim na emosyonal na tugon sa musika, sining, kalikasan, at sa mga taong nakapaligid sa kanila. Kilala sila sa pagiging sobrang sentimental at nostalgic, madalas na nagtatago ng mga espesyal na alaala at memorabilya na nagpapasaya sa kanilang mga araw at nagpupuno ng kasiyahan sa kanilang puso.
Idealistiko at mapagmalasakit, ang mga taong may INFP na uri ng personalidad ay naghahangad ng malalim, masidhing relasyon, at pakiramdam nila ay kailangan nilang tulungan ang iba. Dahil sa mabilis na takbo at mapagkumpitensyang katangian ng ating lipunan, minsan ay maaari silang makaramdam ng kalungkutan o hindi nakikita, nalilito sa isang mundong tila hindi pinahahalagahan ang mga katangiang dahilan ng pagiging bukod-tangi nila. Gayunpaman, ito ay dahil ang mga INFP ay lubos na marunong maging sensitibo at may malalim na pagkamalikhain kaya taglay nila ang natatanging potensyal na malalim na makipag-ugnayan at magsimula ng positibong pagbabago.
Hindi lahat ng ginto ay kumikinang; hindi lahat ng gumagala ay nawawala; ang matanda na malakas ay hindi nanghihina; ang malalim na ugat ay hindi naaabot ng lamig.
Ang Ipinagkaloob na Pagmamalasakit
Ang mga INFP na personalidad ay may tapat na pag-uusisa tungkol sa kalaliman ng kalikasan ng tao. Introspective sa kaibuturan, sila ay napakagaling sa pag-unawa sa kanilang sariling mga pag-iisip at damdamin, ngunit nananabik din silang maunawaan ang mga taong nakapaligid sa kanila. Ang mga INFP ay mahabagin at hindi mapanghusga, palaging handang makinig sa kuwento ng ibang tao. Kapag may nagiging bukas sa kanila o lumapit sa kanila para sa kapanatagan, nakararamdam sila ng karangalan na makinig at tumulong.
Ang pagmamalasakit ay isa sa mga pinakadakilang ipinagkaloob sa INFP na uri ng personalidad, ngunit minsan ito ay maaaring maging pananagutan. Ang mga problema ng mundo ay mabigat sa kanilang mga balikat, at ang mga personalidad na ito ay maaaring maging mahina sa pag-internalize ng negatibong mood o pag-iisip ng ibang tao. Hangga’t matutunan nilang magtakda ng mga hangganan, ang mga INFP ay maaaring makaramdam ng pagkabigla sa dami ng mga maling kailangang itama.
Pagsasabi ng Kanilang Katotohanan
Iilan ang mga bagay na nagbibigay ng alalahanin sa mga may INFP na personalidad kaysa sa magpanggap kung sino silang talaga. Sa kanilang pagiging sensitibo at dedikasyon na magpakatotoo, ang mga taong may ganitong uri ng personalidad ay karaniwang naghahanap ng mga pagkakataon para sa malikhaing pagpapahayag ng sarili. Hindi nakagugulat, kung gayon, na maraming kilalang INFP ang mga makata, manunulat, aktor, at artista. Hindi nila mapigilang mag-isip tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay, nangangarap ng iba’t ibang kuwento, ideya, at posibilidad sa kanilang paglalakbay.
Sa pamamagitan ng mga imahinasyong tanawin na ito, ang mga malalim na personalidad na ito ay maaaring galugarin ang kanilang likas na panloob na sarili pati na rin ang kanilang lugar sa mundo. Bagama’t ito ay isang magandang katangian, ang mga INFP ay minsan nagpapakita ng posibilidad na mangarap at magpantasya kaysa kumilos. Minsan, ang mga personalidad na ito ay maaaring matinding mag-isip-isip sa kanilang mga sarili sa kanilang isipan, nakikipagbuno sa kanilang mga opsyon hanggang sa huling sandali. Upang maiwasang makaramdam ng pagkadismaya, pagkabigo, o kawalan ng kakayahan, kailangan ng mga INFP na tiyaking sila ay gumagawa ng matibay na mga hakbang upang gawing realidad ang kanilang mga pangarap at ideya.
Sa Paghahanap ng Misyon
Ang mga taong may ganitong uri ng personalidad ay may posibilidad na maramdamang wala silang direksyon o hindi sila umuusad hanggang sa magkaroon sila ng isang diwa ng layunin para sa kanilang buhay. Para sa marami, ang layuning ito ay may kinalaman sa pag-aangat sa iba. At bagama’t gusto nilang tulungan ang kahit sino at lahat, kailangan ng mga may INFP na personalidad na ituon ang kanilang enerhiya at pagsisikap – kung hindi, maaari silang maubos.
Sa kabutihang palad, tulad ng mga bulaklak sa tagsibol, ang pagkamalikhain at idealismo ng isang INFP ay maaaring mamukadkad kahit pagkatapos ng pinakamadilim na panahon. Bagama’t alam nila na ang mundo ay hindi kailanman magiging perpekto, patuloy pa rin silang nagmamalasakit sa pagpapabuti nito sa abot ng kanilang makakaya. Ang tahimik na paniniwala na ito sa paggawa ng tama ay maaaring magpaliwanag kung bakit ang mga may INFP na personalidad ay madalas na nanghihikayat ng pakikiramay, kabaitan, at kagandahan saan man sila pumunta.